Skip to main content
English

Alamin ang Iyong mga Karapatan bilang Taong Walang Matuluyan:

Federal Enforcement sa Chicago

Nagbanta ang administrasyong Trump ng potensiyal na pag-deploy ng National Guard sa Chicago. Nang i-deploy kamakailan ang mga tropa sa Washington D.C., sapilitang tinaboy ang mga taong walang tahanan at walang matuluyan at sinira ang kanilang mga ari-arian nang walang abiso o nang walang maagang abiso.

Hinihimok namin ang mga nakatira sa kalye na gawin ang sumusunod na pag-iingat:

  • Huwag matulog sa mga pampublikong lugar. Para sa iyong kaligtasan, pag-isipang matulog sa shelter o sa loob ng gusali. Maaaring utusan ng Pangulo ang mga tagapagpatupad ng batas na sapilitang itaboy at/o arestuhin ang sinumang natutulog sa labas.
  • Dalhin ang iyong photo ID sa lahat ng oras. Maaaring pakiusapan ang kapamilya, kaibigan, o case manager na itabi sa ligtas na lugar ang anumang mahahalagang dokumento (tulad ng Social Security card o birth certificate mo) at/o ari-ariang may sentimental na halaga tulad ng mga litrato ng pamilya o mga memento.
  • Dalhin ang numero ng telepono ng emergency contact, tulad ng kapamilya, kaibigan, o case manager.
  • Dalhin ang iyong mga gamot, at ang listahan ng mga gamot mo, sa lahat ng oras.
  • Tiyaking fully charged ang phone mo hanggang maaari, kung mayroon ka nito.

Kung kailangan mo ng matutuluyan:

  • Pag-isipan kung maaari kang tumuloy nang pansamantala sa isang taong sumusuporta.
  • Kung kailangan mong tumuloy sa isang shelter, tumawag sa 3-1-1 at isulat ang iyong service request (SR) number. Ibigay sa 3-1-1 ang lokasyon mo at sabihin nang malinaw na wala kang matuluyan at naghahanap ka ng matutuluyan. Tandaan, maaaring limitado ang kapasidad ng mga shelter.
  • Para personal na makiusap ng matutuluyan, maaaring bisitahin ng mga nasa hustong gulang na walang asawa ang Shelter Placement and Resource Center (SPARC) sa 2241 S. Halsted. Tumawag sa 773-526-3707 para kumpirmahin ang kapasidad. Maaaring makiusap sa 3-1-1 ng matutuluyan anumang oras ng araw, at may on-site na tulong, anuman ang kapasidad.
  • Para sa mga pamilyang may menor de edad, maaaring personal na makiusap ng matutuluyan sa The Salvation Army Emergency Assessment and Resource Center (EHARC) na nasa 924 N. Christiana.

Mga tip para sa pagharap sa mga pulis o ahenteng pederal:

  • Manatiling Kalmado: Sabihing “Ginagamit ko ang karapatan kong manahimik” o “I am exercising my right to remain silent” at “Hindi ako pumapayag na kapkapan ako o halughugin ang ari-arian ko” o “I do not consent to searches of my person or belongings.”
    • Kung tanungin ka ng sinumang opisyal, tandaan mong may karapatan kang manahimik. HINDI mo kailangang ipaliwanag ang iyong katayuan sa imigrasyon o pagkamamamayan sa sinumang opisyal na nagpapatupad ng batas.
    • May karapatan ka sa abogadong itinalaga ng gobyerno kung inaresto ka sa kasong kriminal. Kung kinulong ka dahil sa pinaghihinalaang katayuan mo sa imigrasyon, karapatan mong magkaroon ng abogado, pero hindi ka bibigyan nito ng gobyerno.
  • Ilipat ang mga Pag-aari: Kung humaharang ang ari-arian mo sa bangketa, pampublikong daan, pribadong tirahan, o negosyo, magkusang kunin ang iyong mga gamit at/o lumipat sa ibang lokasyon.
  • Itanong kung puwede ka nang umalis: Kung sinabing oo, umalis ka. Kung hindi, subukang alalahanin ang lahat ng maaalala mo tungkol sa umaarestong opisyal (uniporme, numero ng badge, pangalan) at sinumang saksi. Sabihin agad ang “Gusto kong makipag-usap sa isang abogado.”
  • Kung nasira o tinanggal ang alinman sa mga ari-arian mo, ilista kung anong ari-arian ang nawala.
  • Tawagan kami: Tawagan ang Chicago Coalition to End Homelessness sa 1-800-940-1119 kapag kaya mo na para iulat ang anumang pakikipag-ugnayan sa mga ahenteng pederal o tagapagpatupad ng batas.

Kung kailangan mo ng tulong, o may nasaksihan kang hindi karaniwang aktibidad sa pagpapatupad ng batas, o may ibabahagi kang anumang impormasyon

312-641-4148

Tawagan ang Chicago Coalition to End Homelessness